- Sep 8, 2024
- 5 min read
Updated: Sep 20, 2024
Ang Bakas-Bukas sa Panahon ng Martial Law ay isang serye ng mga sanaysay at artikulo mula sa aking karanasan sa buhay bilang isang binatang aktibista sa panahon ng Martial Law (1972-1986).
Ginagamit ko ang Bakas-Bukas bilang isang balangkas at pamantayan sa pagsasalaysay ng buhay at karanasan. Una, ang bakas ay madalas na ginagamit na salita sa pagtukoy ng palatandaan sa nangyari o naganap na. Tulad ng "Bakas ng Lumipas" ay mga bagay-bagay na nagpapahiwatig sa mga nakaraang pangyayari.
Magpagayun pa man, ang pagbabasa ng mga bakas ng lumipas ay kadalasan nakabase o may kaugnayan sa takdang kalagayan at konteksto ng bumabasa at sa layunin ng pagbabasa kung para saan o kanino ang mga ito. Kaya't sadyang mahalaga ang pagtitimbang, pagsusuri, at pagpipili ng mga bakas sa pagsasalaysay.
Sa madaling salita, ang BAKAS ay isang panibagong pagsasalaysay sa mga naganap sa nakalipas. Ito ay ang pinagsanib ng dalawang mahalang salita, BAgo at KASaysayan o Bagong Kasaysayan.
Pangalawa, maraming kahulugan ng salitang BUKAS sa pagsasalaysay ng Bagong Kasaysayan. Ang BUKAS ay hindi nakasara, o ganap, tapos, at yari na. Kung bukas ibig sabihin pupwede pang pasukin, loobin, gambalain, panghimasukin, baguhin, at palitan. Sa Ingles, ito ay open. Kung bukas, pupwede ng mailabas ang naitatago, maibunyag ang mga nililihim, maipahayag ang mga kinikimkim, maibuklat ang mga niloloob, at maisawalat ang mga natatakpan o tinatakpan. At ang higit na mahalaga ang mailahad ang katotohanan.
Ibang pagbigkas ng BUKAS sa Filipino nangangahulugan naman ng susunod na araw o hinaharap. Sa ingles ay katumbas nito ang tomorrow, next day o future.
Ang sakop at saklaw sa Panahon ng Martial Law lampas pa sa pagtatakdang petsang pulitikal mula sa pagdeklara ni President Ferdinang Marcos at pagpataw nito nuon Setyembre 23, 1972 hanggang sa pagbagsak ng rehimeng Marcos nuong Pebrero 26, 1986. Mahalagang masilip at maisalaysay din ang mga naganap sa aking buhay bago nag ML at ang kalalabasan ng pagbagsak ng ML at pagtatayo ng bagong kabanata ng kasaysayan.
Ang panimulang salaysay sa serye ng Bakas-Bukas sa Panahon ng Martial Law ay isang sanaysay na unang nailathala sa librong "Tibak Rising : Activism in the Days of Martial Law" ni Ferdinand C. Llanes, Editor (Anvil Publishing, Inc, Manila, 2012). Pinamagtan kong "Mga Unang Sabado ng Martial Law."
+++++++++++++++++++++++++++
Mga Unang Sabado ng Martial Law (Unang bahagi)
Ilan pa kaya sa ating mga Pilipino ang nakakaalala sa mga unang araw at buwan ng pagpataw ng Martial Law? Sa ating panahon ngayon ng text messaging, cell phones, internet, cable TV at samut-sari pang information technology gadget, mahirap maimagine o ma-visualize kung papaano epektibong madideklara ang isang Martial Law sa bansa.
Sa pananaw ng isang aktibista sa probinsiya, maaari kong isalaysay ang mga unang araw at buwan sa ilalim ng Martial Law, lalo na ang nagganap sa araw ng Sabado sa aming bayan sa San Fernando, Pampanga.
Hindi kalayuan ang aming bayan sa Maynila; 66 Kilometro; at isang oras lang biyahe sa pagluwas. Kaiba sa maraming estudyanteng nagkokolehiyo sa Maynila na umuuwi lamang sa aming probinsya tuwing Sabado, ako naman ay nag-aaral sa Jose Abad Santos High School – dating Pampanga High School – sa San Fernando at lumuluwas sa Maynila tuwing Sabado.
Araw ng Sabado, Setyembre 23, 1972, nang ideklara ang Martial Law, bagamat ang nakasulat sa papel at sa mga textbook ay September 21, Huwebes. (Pinirmahan ni Marcos ang deklarasyon sa beinte uno pero ipinatupad sa beinte tres ng buwang iyon dahil sa kanyang pamahiin sa numero; lucky number ni Marcos ay ang 7, 11 at 21).
Sa lahat ng araw ng linggo naiiba sa akin ang pagdating ng Sabado. Lunes hanggang Biyernes, pasukan sa eskwela kaya’t maaga ang gising at pagsisimula ng araw. Nagigising kami sa tilaok ng manok, ingay ng tren ng PNR, bagon ng Pasudeco, at anunsyo ng mga balitang umaalingawngaw sa radyo. Hindi ganito ang pagdudumali kung Sabado.
Ngunit sa araw-araw, kahit sa Sabado, ang sinusubaybayan at pinakaaabangan na programa sa radyo ay ang “EveryReady Balita”ni Johnny De Leon, kasama ang patented na pagbigkas ni Ngongo ng “Bataan Matamis.” Ang iba pang programang popular programa sa radyo nuon ay ang “Oh Johnny, Oh Johnny,” “Lundagin mo, baby,” “Dear Kuya Cesar,” “Ito ang inyong Tiya Dely,” at sa aming mga Kapampangan ang balita at kuru-kuro ni Paeng Yabut.
Radyo ang siyang pinakamahalagang appliance sa bawat bahay. Pagkagising, hindi maiiwasang di makinig sa radyo; inaaabangan ang mga bagong anunsyo tulad ng signal number ng bagyo, o kaya biglang walang pasok sa eskwela, kahit walang bagyo. Madalas, sa radyo rin inaalam kung anong oras na; bibihira kasi nuon sa aming lugar ang may relo o alarm clock sa bahay.
Sabado, Setyembre 23, napaaga ang aking gising, hindi sa tilaok ng manok, hindi sa ingay ng bagon at tren, at lalong hindi sa alingawngaw ng balita sa radyo. Wala nga makuhang istasyon ang transistor. Ayos na naman ang radyo at baterya pero wala talaga mapulot na ingay sa AM at FM. Nakakapanibago. Nakapagtataka. Hindi normal ang umagang ito.
Ang tanging naririnig na ingay sa labas ng bahay ay ang mga bunganga ng mga kapitbahay: “Ot mewala ya y Johnny de Leon?” “Nang malalyari keti,” “Ot alang balita keng radyo?” “Ano bang nangyayari sa aking radyo?” “Mayroon ba kayong balita sa Maynila?”
Walang katapusang nagtatanungan at nag-uusisa ang magkakapitbahay. Damang-dama nila ang kakaibang araw. Parang may kababalaghang di sukat mawari. Ang umaga ay di ang sadyang dati.
Kung walang marinig sa radyo, lalong wala ring mapanood na palabas sa TV. Saan maaring makasagap ng balita? Sa palengke sa kabayanan tumakbo ang ilan para makapulot ng balita, tsismis o kahit ano mang paliwanag sa kawalan ng radyo sa himpapawid, o kung ano talaga ang nagaganap sa bayan?
Kahit papaano, ginawa kong normal ang Sabadong ito - nagbalot ng dadalhing damit paluwas sa Maynila, at isinama ko na rin sa aking bag ang pinapahalagahang libro – ang Lipunang Rebolusyong Pilipino (LRP). Sa kalaunan ay ilalahad ko kung bakit pinapahalagahan ko ang Tagalog version ng Philippine Society and Rebolusyon ni Amado Guerrero.
Tumuloy ako sa kabayanan, hindi na nakipag-usyoso o nakipaghuntahan sa mga tao, dali-daling nag-abang at sumakay ng bus ng Philippine Rabbit patungong Maynila.
Sa bus, wala akong paki sa usap-usapan ng mga nakasakay. Inilabas ko ang pulang LRP, kahit nabasa ko na ito ng ilang beses, binubuklat ko pa ang bawat pahina na para bagang ipinagmamalaki ko sa aking katabi o sa nakakapansin sa akin, na ako ay isang tunay na Tibak.
Hindi ko alam kung may nakapansin sa hawak kong pulang LRP. Wala namang nangyari hangga sa nakaabot ang sinasakyan naming bus sa istasyon ng Rabbit sa Avenida Rizal, malapit sa Odeon Theater.
Bumaba ako sa bus at naglakad sa sakayan ng JD Transit papunta sa Makati. Napadaan ako sa dati kong ruta, isang shortcut na kalye sa Recto, sa may Ongpin patungo sa simbahan ng Santa Cruz, kung saan naroon ang isang malaking publishing house, The Manila Times.
Kakaibang Sabado ang aking natanaw. Maraming sundalong may hawak na malalaking baril ang nakabantay sa kilalang publishing house. Pumasok sa isip ko kung may gera o reyd kaya?
Iba ang dating ng aking nakita. May kutob at hindi palagay sa kakaibang Sabadong ito.
May nagbulong sa akin, isang miron katulad kong naglalakad at nag-uusyoso, “Martial Law na, iho. Umuwi ka na. At itago mo ang hawak mong libro. Delikado ka.”
Martial Law? Hindi ko na nilingon kung sino ang nagsambit. Mahirap ng masabit. Binilisan ko ang aking paglakad, itinago ang libro sa aking mga damit sa bag, kaagad na sumakay sa jeep patungong Makati.
Pagdating ko sa aming bahay, duon ko na lamang napagtugmatugma ang mga bagay-bagay; Martial Law na nga. Sabado ang unang araw ng Martial Law.