Paunang salita: Yayamang ginugunita natin ang pagdeklara at pagpataw ng Batas Militar (Martial Law) limampung taon ang nakalipas (Setyembre 23, 1972, nilagdaan Setyembre 21), ninanais kong maibahagi at maiambag sa ginagawang paggunita ng mga kababayan natin sa loob at sa labas ng Pilipinas ang aking sinulat na artikulo sa librong Tibak Rising : Activism in the days of Martial Law na inedit ni Ferdinand C. Llanes (Anvil Publishing, Inc, Manila, 2012).
Mga Unang Sabado ng Martial Law *
Ilan pa kaya sa ating mga Pilipino ang nakakaalala sa mga unang araw at buwan ng pagpataw ng Martial Law? Sa ating panahon ngayon ng text messaging, cell phones, internet, cable TV at samut-sari pang information technology gadget, mahirap ma-imagine o ma-visualize kung papaano epektibong madideklara ang isang Martial Law sa bansa.
Sa pananaw ng isang aktibista sa probinsiya, maaari kong isalaysay ang mga unang araw at buwan sa ilalim ng Martial Law, lalo na ang nagganap sa araw ng Sabado sa aming bayan sa San Fernando, Pampanga.
Hindi kalayuan ang aming bayan sa Maynila; 66 Kilometro; at isang oras lang biyahe sa pagluwas. Kaiba sa maraming estudyanteng nagkokolehiyo sa Maynila na umuuwi lamang sa aming probinsya tuwing Sabado, ako naman ay nag-aaral sa Jose Abad Santos High School – dating Pampanga High School – sa San Fernando at lumuluwas sa Maynila tuwing Sabado.
Araw ng Sabado, Setyembre 23, 1972, nang ideklara ang Martial Law, bagamat ang nakasulat sa papel at sa mga textbook ay September 21, Huwebes. (Pinirmahan ni Marcos ang deklarasyon sa beinte uno pero ipinatupad sa beinte tres ng buwang iyon dahil sa kanyang pamahiin sa numero; lucky number ni Marcos ay ang 7, 11 at 21).
Sa lahat ng araw ng linggo naiiba sa akin ang pagdating ng Sabado. Lunes hanggang Biyernes, pasukan sa eskwela kaya’t maaga ang gising at pagsisimula ng araw. Nagigising kami sa tilaok ng manok, ingay ng tren ng PNR, bagon ng Pasudeco, at anunsyo ng mga balitang umaalingawngaw sa radyo. Hindi ganito ang pagdudumali kung Sabado.
Ngunit sa araw-araw, kahit sa Sabado, ang sinusubaybayan at pinakaaabangan na programa sa radyo ay ang “EveryReady Balita”ni Johnny De Leon, kasama ang patented na pagbigkas ni Ngongo ng “Bataan Matamis.” Ang iba pang programang popular programa sa radyo nuon ay ang “Oh Johnny, Oh Johnny,” “Lundagin mo, baby,” “Dear Kuya Cesar,” “Ito ang inyong Tiya Dely,” at sa aming mga Kapampangan ang balita at kuru-kuro ni Paeng Yabut.
Radyo ang siyang pinakamahalagang appliance sa bawat bahay. Pagkagising, hindi maiiwasang di makinig sa radyo; inaaabangan ang mga bagong anunsyo tulad ng signal number ng bagyo, o kaya biglang walang pasok sa eskwela, kahit walang bagyo. Madalas, sa radyo rin inaalam kung anong oras na; bibihira kasi nuon sa aming lugar ang may relo o alarm clock sa bahay.
Sabado, Setyembre 23, napaaga ang aking gising, hindi sa tilaok ng manok, hindi sa ingay ng bagon at tren, at lalong hindi sa alingawngaw ng balita sa radyo. Wala nga makuhang istasyon ang transistor. Ayos na naman ang radyo at baterya pero wala talaga mapulot na ingay sa AM at FM. Nakakapanibago. Nakapagtataka. Hindi normal ang umagang ito.
Ang tanging naririnig na ingay sa labas ng bahay ay ang mga bunganga ng mga kapitbahay: “Ot mewala ya y Johnny de Leon?” “Nang malalyari keti,” “Ot alang balita keng radyo?” “Ano bang nangyayari sa aking radyo?” “Mayroon ba kayong balita sa Maynila?”
Walang katapusang nagtatanungan at nag-uusisa ang magkakapitbahay. Damang-dama nila ang kakaibang araw. Parang may kababalaghang di sukat mawari. Ang umaga ay di ang sadyang dati.
Kung walang marinig sa radyo, lalong wala ring mapanood na palabas sa TV. Saan maaring makasagap ng balita? Sa palengke sa kabayanan tumakbo ang ilan para makapulot ng balita, tsismis o kahit ano mang paliwanag sa kawalan ng radyo sa himpapawid, o kung ano talaga ang nagaganap sa bayan?
Kahit papaano, ginawa kong normal ang Sabadong ito - nagbalot ng dadalhing damit paluwas sa Maynila, at isinama ko na rin sa aking bag ang pinapahalagahang libro – ang Lipunang Rebolusyong Pilipino (LRP). Sa kalaunan ay ilalahad ko kung bakit pinapahalagahan ko ang Tagalog version ng Philippine Society and Rebolusyon ni Amado Guerrero.
Tumuloy ako sa kabayanan, hindi na nakipag-usyoso o nakipaghuntahan sa mga tao, dali-daling nag-abang at sumakay ng bus ng Philippine Rabbit patungong Maynila.
Sa bus, wala akong paki sa usap-usapan ng mga nakasakay. Inilabas ko ang pulang LRP, kahit nabasa ko na ito ng ilang beses, binubuklat ko pa ang bawat pahina na para bagang ipinagmamalaki ko sa aking katabi o sa nakakapansin sa akin, na ako ay isang tunay na Tibak.
Hindi ko alam kung may nakapansin sa hawak kong pulang LRP. Wala namang nangyari hangga sa nakaabot ang sinasakyan naming bus sa istasyon ng Rabbit sa Avenida Rizal, malapit sa Odeon Theater.
Bumaba ako sa bus at naglakad sa sakayan ng JD Transit papunta sa Makati. Napadaan ako sa dati kong ruta, isang short-cut na kalye sa Recto, sa may Ongpin patungo sa simbahan ng Santa Cruz, kung saan naroon ang isang malaking publishing house, The Manila Times.
Kakaibang Sabado ang aking natanaw. Maraming sundalong may hawak na malalaking baril ang nakabantay sa kilalang publishing house. Pumasok sa isip ko kung may gera o reyd kaya?
Iba ang dating ng aking nakita. May kutob at hindi palagay sa kakaibang Sabadong ito.
May nagbulong sa akin, isang miron katulad kong naglalakad at nag-uusyoso, “Martial Law na, iho. Umuwi ka na. At itago mo ang hawak mong libro. Delikado ka.”
Martial Law? Hindi ko na nilingon kung sino ang nagsambit. Mahirap ng masabit. Binilisan ko ang aking paglakad, itinago ang libro sa aking mga damit sa bag, kaagad na sumakay sa jeep patungong Makati.
Pagdating ko sa aming bahay, duon ko na lamang napagtugma-tugma ang mga bagay-bagay; Martial Law na nga. Sabado ang unang araw ng Martial Law.
Ipinasya ng aking magulang na huwag muna akong bumalik sa probinsiya habang suspendido pa ang pasukan sa klase. Ilang araw ang nakalipas, sumunod sa aming bahay sa Makati si Pericles, ang aking matalik na kaibigan, kababata at kasambahay sa San Fernando.
Sa Sabadong lumuwas ako sa Maynila, ayon kay Pericles, pinaghahanap daw kami ng kapwa naming aktibista, mga kasamahan namin sa Samahang Demokratikong Kabataan o SDK. Nagwawala raw sa aming kalye si Winston, isang nakakabatang kasama, at nagsisigaw sa Kapampangan: “Nasaan si MC. Akala ko ba ‘digmaang bayan ang sagot sa martial law’ bakit wala akong baril? Nasaan ang aking baril? Gusto kong maging gerilya, saan ako pupunta? Putang-inang Martial Law na iyan. Labanan natin. Mamundok na tayo!”
Kahit nagmukhang sira si Winston sa kalye, marami sa aming kababata sa baryo, ang ilan ay mga kasama sa SDK, ang natakot at nagtago na rin. Mahirap na. Gusto mo mang mamundok, wala namang bundok na aakyatan. Mahirap isiping mamumundok sa Arayat.
Isa pang balita ni Pericles, nireyd ng militar ang regional headquarter ng SDK sa San Fernando. Panatag naman ang loob niya na wala ni isang dokumentong nakuha ang militar. Nakapaglinis na raw ang mga kasama bago naganap ang raid.
Ilang araw bago ipinataw ni Marcos ang Martial Law, ipinagbabawal na kaming pumunta sa HQ ng SDK. Pinalilikas sa amin ang lahat na dokumento, poster at mga babasahin. Bibihira na rin gawing tulugan ang HQ ng ilang full-timer ng SDK.
Maaring may tatak na sa militar ang HQ ng SDK sa San Fernando na matatagpuan sa harapan ng aming high school. Sa maikling panahon, lumikha ito na maraming salaysay di lamang sa aming eskwela at sa bayan ng San Fernando, kundi sa mga iba pang lalawigan sa Central Luzon.
Ang HQ na nagsimula lamang bilang tambayan ng aming bagong-tatag na grupong Demokratikong Samahang ng Mag-aaral sa JASHS nuong 1971, sa mabilis ng paglaki ng kasapian, ay pinagsibulan ng kauna-unahang chapter ng SDK sa San Fernando. Ilang buwan nakalipas, naging probinsya ang lawak at nagkaroon ng maraming SDK chapter sa Pampanga at Bataan. Nakipag-ugnay na rin sa mga chapter sa Tarlac at Angeles. Nakamit nitong maging regional headquarter ng SDK.
Nuong bago mag-Martial Law, ang sentro ng aktibismo sa aming probinsya ay nasa Angeles City, kalakhan ay Kabataang Makabayan o KM. Ang pugad ng KM ay ang mga kolehiyo at purok na may maraming kabataan sa kalye. Palaban, mapangahas at matatapang ang tatak ng mga Tibak na KM. Sa San Fernando, ang KM chapter ay nasa AssumptionCollege.
Pinili ng barkada namin sa high school mag-affiliate sa SDK sa halip na KM dahil sa dalawang estudyante ng UP – si Kong Pitong at si Tony. Si Kong Pitong, isang Kapampangan pero nakatira sa Quezon City, ay isang magaling na SDK organizer. Matiyaga siyang bumibisita sa aming ekswela, tuwing pasukan nandoon siya, talo pa niya ang manliligaw, para lamang ma-recruit kaming maging chapter ng SDK.
Si Tony naman ay isang UP freshman, graduate ng aming high school, kababata at kapitbahay. Tuwing Sabado ang uwi niya; parating may dala-dalang UP Collegian at sari-saring babasahin pang-aktibista. Tuwing Sabado at Linggo may teach-in kami sa kanilang bahay, kahit lima o sampu lang kaming magkakaibigang makakarating, bigay na bigay at buhay na buhay ang aming mga talakayan.
Nang maging SDK chapter kami, sa sigasig ni Kong Pitong, umupa kami ng isang HQ, isang malaking apartment, malapit sa aming eskwela. Naging tirahan ito ng mga SDK full-timer at organizer. Naging malaking tambayan din ito ng aming barkada sa high school.
Naging sustainable ang pamumuhay sa HQ kaya’t marami ang naging organizer at full-timer. Sa pagkakaalam ko, ang pambayad sa HQ ay nanggaling sa mga matatandang Huk tulad ng mga Baking at Dioco. Sa pagkain sa araw, ang mga nagtitinda sa palengke ang suki naming nag-aambag. Kung may organizer nanggaling sa bukid, madalas may pabaon sa kanilang gulay o prutas. Tuwing mayroon naman kaming teach-in – nagdadala kami ng mga kapwa estudyante para magmulat at mag-aaral ng School of National Democracy – may naghuhulog ng kanilang baong pera o pagkain sa HQ sa mga collection boxes.
Malaking tulong din sa maintenance ng HQ ang mga katulad ni Tony, mga taga San Fernando college student sa Maynila. Bago sila lumuwas sa Maynila, dinadala at iniiwan nila sa HQ ang lahat na pabaong pagkain, lutong-ulam, bigas, at grocery na inihanda ng kanilang magulang para sa kanilang sustenance sa isang linggo sa Maynila.
Pagdating naman ng Sabado, pagbalik nila sa San Fernando, ang mga babasahin at kagamitan mula sa Maynila at National HQ ang kanilang pasalubong.
Hindi ko makalimutan si Kong Pitong dahil tuwing Sabado may pasalubong siyang babasahin sa akin. Nagsimula sa mga pamphlet series ni Renato Constantino – Miseducation of the Filipino People, Origin of the Myth, Veneration Without Understanding at iba pa. Kalaunan, mga artikulo naman ni Jose Ma. Sison sa Struggle for National Democracy, Red Book ni Mao Tse Tung, at mga sulatin nina Victor Perlo, Felix Greene, Leon Wolf, at iba pang progresibong manunulat.
Magandang learning experience ko ito dahil sa eskwela, hindi challenging ang pag-aaral, chapter by chapter ang pagbasa ng textbook. Kahit ang mga librong Florante at Laura at Noli Me Tangere, mga nobela na nga, pero hindi mo mababasa ng tuluy-tuloy. Kailangan pang hintayin at subaybayan ang susunod na kabanata. Halos ang buong school year ang ginugugol na panahon ng pagbabasa ng isang libro.
Iba kay Kong Pitong. Kapag sinabi mo sa kanya na natapos ka na sa ibinigay niyang basahin, bibigyan ka kaagad ng panibagong babasahin. Kung mabilis kang magbasa, marami kang makukolektang pamphlet at libro.
Nang dumating ang oras na ibibigay niya sa akin ang isang librong LRP na bibihira nuon ang may kopya. Ang kabilin-bilin ni Kong Pitong na pagkaingatan ko ang libro, babasahin, isa-ulo at isapuso ang bawat pahina. Napataba ang aking puso ng aminin niya sa akin na ako lamang daw ang kanyang binigyan ng LRP, dahil ako pa lang ang deserving na aktibistang magkaroon nito. Piling-pili daw ang may sariling kopya ng LRP.
Dagdag pa niya, kapag nahuli raw ang may hawak ng libro, ang punishment na ipapagawa ng kaaway ay lalagyan ng asin ang bawat pahina at ipapakain daw ito ng buo!
Ito ang dahilan kung bakit napamahal sa akin ang LRP. Kahit sa Sabadong ipinataw ang Martial Law, hawak-hawak ko pa rin ang librong ibinigay ni Kong Pitong.
Mahigit sa isang buwan ang nakalipas magmula nang ideklara ang Martial Law at ang suspensyon ng klase sa eskwela. Ang pagbubukas muli ng klase ay nakakabalisa sa mga titser, staff, at principal ng Jose Abad Santos High School.
Malaki ang dagok ang ipinahahayag sa radyo ni Kit Tadtad at ng Department of Education. Letter of Instruction Number 5: Ipasasara ang alin man eskwelang nagpapasok at nagtataguyod ng mga aktibistang estudyante.
Kapansin-pansin ang pagbabago sa aming high school, laluna ang relasyon at pakikitungo ng mga titser sa estudyante, maging sa titser sa kapwa titser. Para bagang ang lahat ay naninimbang. Nawala ang tiwala sa isa’t isa. Iniiwasan ang makipag-usap o pag-usapan ang mga nagaganap sa kapaligiran, lalung-lalo na ang nagaganap na hulihan sa Maynila. Hindi maitago ang takot at pag-aaalinlangan sa mukha ng mga tao.
Rumor mongering is punishable by law. Ipinagbabawal ang pagtsitsismis. Ipinagbabawal ang pag-grugrupo kahit na kabarkada o kamadyong ang kasama. Ang malaking sakit ng ulo ng principal at ilang titser ay ang panawagang “linisin ang mga eskwela ng mga aktibista.” Kung ito’y hindi magagawa, ipapasara ang buong eskwela.
Dati nang alam ng prinsipal at titser na malakas ang SDK sa aming eskwela. Kilala din nila ang mga lider, nangunguna na ako dahil sa aking involvement sa student council, school paper, at sa pagtatambay namin sa regional HQ ng SDK.
Isusuplong ba naman kaya ako, sampu ng mga kasamahan kong aktibista, sa kabila ng pagkakilala sa akin bilang honor student at uliran na mag-aaral sa aming eskwela?
Para maging safe, idinaan ng prinsipal sa mabuting usapan. Para bagang nag-ala- Pontio Pilato, naglilinis ng kamay: “Hindi namin kayo patatalsikin sa eskwela, pero kumuha muna kayo ng clearance sa military, bago namin kayo tanggapin sa klase.”
Isang Sabado ng umaga muli, sa halip na umuwi ako sa Maynila, inasikaso naming magkakabarkada ang mga clearance sa military. Lima kaming magkakaibigan tumuloy sa Pampanga Command ng Philippine Army, malapit ito sa Kapitolyo at di kalayuan sa aming eskwela.
Panatag ang aming loob tumuloy at kumuha ng clearance sa loob ng kampo dahil alam naming walang dokumentong nakuha sa reyd ng HQ. Malinis ang aming record.
Nabigla na lamang na kami nang tinignan ng clerk ang aming mga pangalan sa hawak nilang listahan. Dali-daling dumating ang iba pang sundalo at hindi na kami pinaalis - kami ni Pericles.
Nagtataka kami kung bakit: lima kaming magkakabarkada, ang tatlo ay wala sa listahan. Sino ang source ng listahan? Sino ang nag-submit ng aming mga pangalan?
Sabado ng hapon naiwan kami ni Pericles sa military barrack, na ginawang kulungan magmula nang ideklara ang Martial Law. Punung-puno ng mga “nahuli” ang kulungan ng Pampanga Command. Kami ay isinama sa maliit na barrack, halos kalahati lang ang laki sa isang kuwarto sa aming eskwela. Wala itong banyo, gripo o toilet. Walang tulugan o katre. Sa malamig na simento kung mahihiga; makipagsiksikan sa gustong puwesto. Sinikap namin ni Pericles, kahit anuman ang mangyari, na hindi kami maghihiwalay.
Samut-saring tao ang “inaresto” at nakasama namin sa maliit na barrack ng Pampanga Command: May hinuli dahil sa mahaba ang buhok, nagnakaw ng riles ng tren, nag-AWOL na sundalo, apelyido ay Olalia, (ka-apelyido ng pinaghahanap na Olalia sa Cabalantian), umuwing lasing, nakipagsuntukan sa kapit-bahay, at iba pang kwento. Hindi lahat ay mga aktibista.
Dalawa lamang aming kakilala sa loob ng kulungan. Si Alex at Alan, parehong miyembro ng SDK ng San Fernando, kabarkada din namin. Nauna sila ng isang araw sa amin. Pero kahit na magkakakilala kami, sinikap namin huwag mag-usap ng hindi mahalatang magkakasama kami.
Hindi ako makatulog sa sahig at walang laman ang tiyan. Inaalala ko kung napag-alam na ng aming kamag-anak kung saan kami naroon. Sabado, walang opisina sa kampo, kayat mahirap ma-trace kung saan kami dinala.
Very uncertain ang aming situation. Hindi namin alam kung ano ang susunod na gagawin. Hindi ako makatulog. Gising pero nagtutulug-tulugan. Gusto mo man makipag-usap pero wala kang makausap. Marahil sila ay tulog o nagtutulug-tulugan lamang katulad ko.
Alas dos ng madaling araw, madilim pa ang paligid, may biglang pumasok sa aming barrack. Dinampot sina Alan at Alex. Dinala sa isang main building sa kampo. Lalu kaming hindi makatulog ni Pericles dahil nag-aalala kami baka kami naman ang isusunod.
At inaabangan din namin ang kanilang pagbabalik sa barrack para malaman namin kung ano ang ginagawa sa kanila.
Alas sais ng umaga nang ibinalik sila sa aming barrack. Tahimik silang nag-ayos ng mga kanilang damit at gamit. Ilang minuto lamang, bumalik ang sundo nila. Isinakay sa military truck. Hindi man kami nakapag-usap o makapag-alaman man lang.
Ang sambit lang nababasa ko sa bibig ni Alan. “Putang-Ina nila.”
Nalulungkot at natatakot kami sa nangyari kina Alan at Alex. Hindi namin mawari kung ano ang mangyayari sa amin. Magiging katulad kaya kami nina Alan at Alex?
Isang kasamahan namin sa barrack ang lumapit sa amin. “Sa YRC dadalhin ang dalawa ninyong kaibigan,” wika niya. “Sa Youth Rehabilitation Center sa Camp Olivas.” Dagdag pa niya, “Magtatagal sila duon.”
Nagpakilala siya na magdadalawang linggo na siya sa nasabing barrack pero hindi pa siya mapadala sa YRC. Sina Alex at Alan ay nakadalawang araw lang at itinuloy na sila sa YRC.
Ang maaaring pagkakamali raw nina Alan at Alex ay maaring umamin silang miyemrbo ng KM-SDK at ilang paratang sa kanila.
“Walang alam ang mga militar na iyan. Kahit na Martial Law wala namang impormasyon ang militar sa mga tao. Ngayon pa lamang nangangalap ng mga datos. Manggagaling iyan sa sarili ninyo bibig. Kaya’t kung aminin mong wala kang alam, sila ang mag-prove ngayon na mayroon kang alam. Deny everything. You know nothing sa lahat ng pinagsasabi o pinaparatang nila sa inyo.”
Linggo ng gabi, hindi naman ako makatulog. Sa palagay ko may ahente sa loob ng aming barrack. Nang datingan ako ng antok at nakatulog ng ilang minuto, duon bigla sumulpot ang mga sundalong susundo sa amin para dalhin sa pinagdalhan kina Alan at Alex.
Sa aming dalawa ni Pericles ako ang unang kinuha. Dinala sa madalim na kwarto at ang tanging ilaw ay iisa. Anim na sundalo ang nasa loob. Nakataas pa ang paa sa mesa ang dalawa. Lahat ay nagsisigarilyo. Mausok. Iniupo ako sa gitna at nasa taas ng aking ulo ang ilaw, para iyong napapanood sa pelikula sa pag-interrogate ng mga pulis sa mga kriminal.
At isa-isang nagsasabi na kilala ako. ‘Yung isa ay nakasama ko raw sa isang rali sa Clark. “Yugn isa naman ay alam daw niya ang naging pagkilos ko. At tinatanong kung kilala ko ang mga pangalang binabanggit nila.
Consistent ang sagot ko. Wala akong alam. I don’t know.
Na-recover ko ang confidence ko ng i-challenge ko sila na kahit hanapin ang mga attendance ko sa eskwela, perfect ang attendance ko at dahil candidate akong maging honor student sa aming graduation.
Wala silang makuha sa akin at tinapos kaagad ang interrogation.
Isinunod nila si Pericles. Naging consistent din siya. Ginamit niyang rason sa pagiging aktibo niya sa pagtulong sa akin para tumaas ang extra-curricular naming sa eskwela.
Natapos si Pericles. Katulad ko, hindi rin siya nag-“piano” (pagkuha na ang finger prints) at hindi rin dinala sa YRC.
Dumating ang Lunes at Martes. Naging balita na sa amin ekswela na nakulong kami. May isang titser kaming naglakas-loob na dumalaw sa kampo at hanapin kami. Ganoon din ang mga kamag-anak ni Peicles. May lumapit sa bise-gobernador para ma-advocate na ma-release kami.
Mag-iisang linggo, bago dumating ang Sabado, na-release kaming dalawa ni Pericles. Ang requirement lang –tuwing Sabado ay magrereport kami sa kampo.
Ilang Sabado din naming ginawa pag-rereport.
Minsang Sabado, sampung estudyante ang magkasabay na dumating sa opisina sa kampo para magreport. Lahat kami ay mga miyembro ng SDK pero nuong itinanong ng clerk kung magkakakilala kami, ang lahat ay nagsabing hindi. Kaya’t ang clerk pa ang naglakas-loob na i-introduce kami sa bawat isa.
Kalaunan na lamang nalaman na isang titser ang nag-submit ng listahan dahil sa natatakot siyang masara ang eskwela dahil sa letter of instruction Martial Law at kautusan ng DEC. Hindi naman niya kilala kung sino ang aktibista at hindi at kung sinu-sino ang mga SDK.
Ang listahang ibinigay ng titser sa militar ay listahan ng estudyante nasa honor roll at section one ng bawat year level. Iniisip niya marahil na sa ganung paraan ay madali kaming makakakuha ng military clearance.
Walang full-timer na SDK ang nahuli.
Sina Alan at Alex ay na-release makaraan ang anim na buwan sa Camp Olivas. Inako raw nilang sila ang founder ng SDK kahit hindi naman totoo nang makitang naaresto na rin kami ni Pericles nuong Sabado ng hapon.
Ito ang mga unang Sabado ko sa Martial Law.
· First printed in Tibak Rising : Activism in the Days of Martial Law, Ferdinand C. Llanes, Editor (Anvil Publishing, Inc, Manila, 2012)