MC CAN LAST
Hindi original ang laman ng notes na ito. Makailang beses na rin itong kumalat sa internet. Nais kong ipamudmod uli ito pero sa wikang Pilipino at sa aking bersyon. Ito ay patungkol sa buhay at kamatayan ng dalawang US Presidents – si Abraham Lincoln at si John F. Kennedy.
Ang insidente at aksidente nina presidente Abraham Lincoln at John F. Kennedy, dalawang popular na presidente at minahal ng lubusan ng mga Amerikano, ay hindi kapanipaniwala. Sadyang nakakapangilabot at nakakapagpatayo ng balahibo kung pag-aaaralan ang mga coincidence.
Halimbawa, nahalal sa unang pagkakataon sa kongreso ng US si Abe, ang tawag kay Abraham Lincoln, nuong 1846. Si JFK (ang tawag kay Pres. John F. Kennedy) naman ay nanalo sa unang pagkakataon nuong 1946. Eksaktong dantaon ang pagitan ng dalawa.
Eksatong isang dantaon ang pagitan sa pagpanalo nila ng presidente ng Estados Unidos ng Amerika; si Abe nuong Nobyembre 6, 1860 at si JFK nuong Nobyembre 8, 1960. Pang-16 na presidente si Abe habang pang 35 na naman si JFK.
Naging matayog at matunog ang pangalan ng dalawang presidente dahil pareho silang presidente sa makasaysayang usapin ng mga itim (Negro) na Amerikano. Si Abe sa civil war sa Southern states nuong 1860s, at si JFK sa civil rights movement sa Southern states din.
Pareho silang presidenteng napaslang (assassinated) habang nakaluklok sa tungkulin. Parehong araw ng Biyernes sila nabaril. Si Abe nuong Good Friday ng Abril 14, 1865. Si JFK naman nuong November 22, 1963. Si Abe ay 56 taong gulang ng namatay, si JFK naman ay 46. Pareho silang natamaan bala sa ulo. Nakakapangilabot ba?
Ang bise-presidenteng humalili sa kanilang presidente ay parehong Johnson. Si Andrew Johnson kay Abe, at si Lyndon B. Johnson naman kay JFK. Si Andrew ay ipinanganak nuong 1808 habang si Lyndon naman ay nuong 1908!
Ang taong bumaril kina Abe at Kenny ay parehong may tatlong pangalan – John Wilkes Booth kay Abe, at Lee Harvey Oswald naman ang kay JFK. Si Booth ay ipinanganak nuong 1839 habang si Oswald naman ay nuong 1939. Parehong 15 ang bilang ng letra ng pangalan nina Booth at Oswald. Sina Booth at Oswald ay parehong napaslang bago pa man sila maisakdal sa korte.
Si Abe ay napaslang habang nanonood ng sine na may pangalang “Kennedy” habang si Kenny ay napaslang habang nakasakay sa kotseng may pangalan na “Lincoln.”
Nuong a – Uno ng Enero, 1863, ipinatupad ni Presidente Lincoln ang makasaysayang Emancipation Proclamation. Ito ang malakas na pahayag sa pagpapalaya o pagbibigay ng freedom sa lahat ng alipin (slaves) na negro (African –American ang tawag ngayon). Nuong November 19, 1863 naman, si Lincoln ay nagtalumpati ng kanyang Gettysburg Address bilang pagunita sa mga sundalong namatay sa giyera. Tinawagan niya ang mga nabubuhay na kanilang tapusin ang pakikibakang sinimulan ng mga namatay na sundalo.
Nuong 11 ng Hunyo, 1963 naman, nagpasya si Presidente JFK na napapanahon na para gumawa ng malakas na hakbang para tulungan ang pakikibaka para sa civil rights ng nga African American. Nagpanukala siya sa Kongreso ng isang bagong batas na tinatawag na Civil Rights bill. Nagsalita siya sa telebisyon at hinihikayat niya ang mga tao na wakasan na ang racism sa bansa. Narito ang kanyang winika:
“One hundred years of delay have passed since President Lincoln freed the slaves, yet their heirs, their grandsons, are not fully free,” (Isang dantaon na nakalipas mula ng ipinagtibay ni Presidente Lincoln ang pagpapalaya ng mga aliping (itim), gayunpaman, ang kanilang mga tagapagmana at mga apo ay magpahangga ngayon ay hindi ma lubusang malaya.)
Ang naganap ba sa buhay ng dalawang presidente, si Abe at JFK, ay pawang insidente at aksidente lamang sa kasaysayan? Walang intelihenteng tao ang makakapagpaliwanag sa mga coincidence. Habang napapag-aralan ko ang buhay ng dalawang presidente, lalo akong namamangha sa pangyayari sa kasaysayan ng tao. Iginuhit kaya ito ng tadhana?
Hindi ko pa nasaliksik kung tutuo nga ito: Isang linggo daw bago nabaril si Abe, siya ay nasa Monroe, Maryland. Isang linggo rin daw bago nabaril si JFK, siya ay nasa piling ni Marilyn Monroe.
Heto pa ang isang talinghaga sa coincidence ng buhay at kamatayan ni Lincoln at JKF. Nuong haykul pa ako, ang biro at ipinagmamalaki sa amin ng dating Mayor Virgilio Sanchez ng San Fernando (Pampanga) na may dalawa raw na lahing Kapampangan na naging presidente sa Estados Unidos. Lahat kaming nakikinig ay namangha. Siryoso niyang binanggit sa kanyang talumpati na si Lincoln at JFK ay may dugong Kapampangan. Papaano nangyari ito? Si Lincoln daw ay tunay na Abe (ang abe o kayabe sa Kapampangan ay kaibigan o kasama sa Tagalog) at si JFK ay isang Mekeni (ang mekeni sa Kapampangan ay halika ka dito sa Tagalog). Variation daw ang Kennedy ng Mekeni. Sa kanila daw dalawa nagsimula ang bukang bibig ng mga Kapampangan “Mekeni Abe!” (Halika ka dito, kaibigan!” “Come here, my friend”).