MC CAN LAST
Oct 12, 2009
Ang 7, 11, at 21 ay mga suwerteng numero sa sugal na dice at blackjack. Pero sa karanasan at kasaysayan ng mga Pilipino, Amerikano at Chileano, 7-11-21 ay petsang hindi makakalimutan.
Ang Setyembre ay ang pang-siyam na buwan sa Gregorian at makabagong kalendaryo. Pero sa lumang kalendaryo ang pampitong buwan ay ang Setyembre mula sa Latin na salitang “septem.”
Ang insidente sa New York, pagbagsak ng Twin Towers ng World Trade Centers, ay naganap sa Setyembre 11, 2001. Ang naging popular na katawagan sa media ay 9-11 pero ito ay maari ring mabasa na 7-11-21. Ang araw na ito ay hindi kailanman mabubura sa diwa ng mga Amerikano; hindi lamang sa maraming nasawi, ang terror at sindak ng insidente ay nagbunsod sa kampanyang “War on Terrorism” at “Patriotic Act.”
Sa Chile naman, isang bansa sa Timog America, September 11, 1973 ng inagaw ng military sa pamagitan ng coup ang poder ng nakaupong presidente –si Salvador Allende, isang popular at progresibong presidente. Ang araw na ito ay hindi kailanman mabubura sa diwa ng mga Latino Amerikano; hindi lamang sa maraming nasawi, ang terror at sindak ng insidente ay nagbunsod sa pagtatayo ng diktadura ni Augusto Pinochet at pagsupil ng karapatang pantao ng mga mamamayang Chileano.
Sa Pilipinas naman, September 21, 1972 ng nilagdaan ni Pangulong Marcos ang “Proclamation 1081”; ang paglalagay sa buong bansa sa ilalim ng batas military. Ang Martial Law ipinatupad nuong a-23 ng Setyembre, kung kailan sinimulan pag-aresto at pagkulong sa mraming aktibista at kilalang lider oposisyon tulad nina Ninoy Aquino, Jose Diokno, pagwawalang bisa ng dating saligang-batas, at pagyurak ng mga karapatang-pantao.
Ang Martial Law sa Pilipinas ay 7-21. Ang Military Coup de Etat sa Chile ay 7-11. Ang pag-atake at pagpapagbasak ng mga simbolo ng global power ng US – World Trade Center at Pentagon- ay 7-11.
Sa Pilipinas ang 7-11 o September 11 ay kaugnay sa kapanganakan ni Ferdinand Edralin Marcos. Si Marcos ay isang magaling at tusong pulitikong Pilipino. Sa unang paglahok niya sa eleksyon, ang kanyang pinapangako sa kanyang mga kababayan sa Ilocos; “Ang iyong boto ay boto sa susunod na pangulo ng Pilipinas. Ito ang siyang iginuhit ng Tadhana.”
Nagkatotoo nga ang kanyang wika. Taong 1965 tinalo niya sa eleksyon ang re-eleksyonistang Presidente, si Diosdado Macapagal. Nanalo siya laban kay Sergio Osmena sa halalan ng 1969 para sa kanyang pangalawang term. Sa umiiral na konstitusyon nuon, ito na ang panghuling term ni Marcos bilang Presidente.
Alam ng marami ang hangarin ni Marcos ay magpatuloy pa kanyang term at maging pangmatagalan ang kanyang poder sa kapangyarihan ng bansa. Dahil ang konstitusyon ang malaking sagabal at balakid sa kanyang hangarin at political agenda pagkatapos ng term niya sa 1973.
Ang unang ginawa ay pagpatawag ng Constitutional Convention nuong 1970. Lumabas ang pakana niya kaya’t marami sa mga delegado ang gumawa ng hakbang para hindi magamit ni Marcos ang binubuong konstitusyon sa pagpapanatili niya sa poder.
Simula ng dekada 70, lalung lumakas ng hanay ng mga estudyante sa pagtuligsa sa gobyerno ni Marcos. Maraming rali, demonstrasyon at kilos protesta hindi lamang sa Maynila kundi sa maraming kabayanan sa buong kapuluan.
Taong 1968 nabuo ang Communist Party of the Philippines sa pangunguna ni Amado Guerrero o Jose Maria Sison. Taong 1969 naman ang New People’s Army ni Kumander Dante. Malaki at malaganap na rin ang hanay ng Kabataang Makabayan at Samahang Demokratikong kabataan. Sa madaling salita, lumalakas ang unos sa paglaban sa gobyerno.
Maging ang mga moderate na kabataan ay lumalaban na rin sa poder ni Marcos. Ang kilalang lider na si Edgar Jopson ay nawawalan ng tiwala sa gobyerno at sa ginagawang saligang batas.
Pumutok ang First Quarter Storm. Bumaha ang Gitnang Luzon. Nasuspende ng writ of habeas corpus. Na-expose ang Oplan Sagittarius, ang pagdedeklara ng batas militar ni Marcos. Tumitindi ang ekonomiya at kalagayang pulitika ng bansa.
Setyembre 21, 1972. Udyok ng gawa-gawang pag-ambush kay Defense Secretary Juan Ponce Enrile, ginamit na dahilan sa pagdeklara ng batas ng martial law.
Ang araw na ito – 7-11-21 – ay hindi kailanman mabubura sa diwa ng mga Pilipino; hindi lamang sa maraming naaresto, ang terror at sindak ng pagdeklara ay nagbunsod sa pagtatayo ng diktadura ni Marcos, pagpapanatili niya sa poder, at pagsupil ng karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino.