top of page

Ang Talinghaga ng Agosto sa kabayanihan nina Ninoy, Ka Andres, Rizal at Tita Cory

Aug 21, 2009

Kasaysayan ng Kapilipinuhan ay hitik ng talinghaga.

Ang landas na tinahak ng ating kasaysayan ay masalimuot, kaya’t madalas maraming Pilipino ang nakakalimot.


Sa kasalukuyan nagiging kapansin-pansin at hindi maikakaila ang kakulangan, namamayaning katiwalian at kabuktutan, at maraming katanungan hinggil sa pagiging bansa at bayan ng ating lupang tinubuan.


Habang ang hinaharap naman at ang pinapangarap na darating na bukas ay nagiging mailap at mahirap; may bahid ng pangamba na baka lalung hindi mabuti, higit pang lala at hindi katanggap-tanggap ang kalagayan ng bansa sampu ng kanyang mamamayan.


Nagkakataon lang ba na sa buwan ng Agosto, panahon ng tag-ulan at bagyo, dumarating din ang malalaking unos na yumayanig sa kinalalagyan ng kapangyarihan sa kasaysayan. Magaling na halimbawa ang Himagsikang 1896 o Unang Sigaw ng Pugad-Lawin (Agosto 23,1896 ), “Labing-tatlo ng Agosto ng saklupin ang Maynila (ng mga Amerikano) (Agosto 13, 1898),” August 21 Movement dulot ng pagkapaslang kay dating Senador Ninoy Aquino (Agosto 21,1983), at ang makasaysayang pakikidalamhati, pakikilibing, at marubdob na paghahatid sa hantungan ni Tita Cory (Agosto 2, 2009).


Nagkataon lang ba na si Andres Bonifacio at si Ninoy Aquino, parehong kinikilalang mga martir at bayani ng taumbayan ay napaslang sa kamay ng kapwa Pilipino na may katungkulang “Pangulo;” si ka Andres kay Heneral Emilio Aguinaldo at si Ninoy naman kay Pangulong Ferdinand Marcos?


Si Ka Andres at Ninoy ay dinakip, kinulong, nilitis ng korteng lutong makaw, kahit walang sapat na ebidensiya, hinatulan pa rin ng parusang kamatayan. Walang saksi sa pagpaslang sa kamay ng mga inutusang sundalo. Pagkatapos naghuhugas kamay ang pangulong may kagagawan sa pagkamatay ng kaniyang kinakatakutang karibal sa kapanyarihan.


Naiisip ba ni Ninoy nang nagpasya siyang bumalik sa Pilipinas na maaring mangyari rin sa kanya ang sinapit ni Ka Andres kaya’t ang pinili niyang pangalang ginamit sa kanyang passport ay Marcial Bonifacio; Marcial sa Martial Law at Bonifacio kay Ka Andres? At kung hindi man siya papaslangin sa pagdating niya sa Pilipinas, pababayaan siyang buhay pero ibabalik naman siya sa dating piitan ng Fort Bonifacio? Isang talinghaga.


Ang pagiging pangulo raw ni Marcos ay “iginuhit ng tadhana.” Iginuhit rin ba ng tadhana na ang naging papel rin niya sa kasaysayan ay katulad ni Miong Aguinaldo, ang berdugo sa taong tunay na nagmamahal sa bayan at nakikipaglaban para sa kalayaan tulad ni Ka Andres Bonifacio?


Nasa diwa at kamulatan ba ni Ka Andres at ni Ninoy ang kahalagahan ng pagsasakripisyo, kamatayan sa kamay ng kaaway, at ang pagtutubos o redemption? Na ang pag-aalay dugo at buhay ay isang dakilang ambag sa paggising, pakikidamay, pag-iisa, paghihimagsik hanggang sa matamo ang ipinaglalaban para sa Inang Bayan.


Kinikilala at tinatanggap ni Ka Andres na tanging si Dr. Jose P. Rizal ang makakapagbuklod sa mamamayan at anak-bayan ng Inang Bayan. Sinikap niyang itong himukin para maitakas at mailigtas sa kamay ng kaaway sa Dapitan hangga sa kanyang piitan sa Fort Santiago. Hindi man siya nagtagumpay, at binaril si Rizal sa Bagumbayan, malinaw pa rin kay Bonifacio ang kahalagahan ni Rizal, kaya’t dali-dali niyang isinalin ang huling tulang pagpapaalam ni Rizal, ang “Mi Ultimo Adios,” pinagmudmod sa kasapian ng mga Katipunan at mga anak-bayan.


Sa maraming kasapi sa Katipunan at sa hanay ng mga anak-bayan, tinangkilik at itinanghal si Rizal bilang Kristo ng mga Tagalog; ang Diyos na nagkatawang-tao, nagpakasakit at nagsakrapisyo para sa kapwa tao, nag-alay ng buhay sa kamay ng kaaway, namatay at nabuhay at bumangon muli para sa kaligtasan ng sanlibutan. Ang taunang paggunita sa pagkamatay ni Rizal sa bagumbayan, Disyembre 30,1896, malaganap na dinadaos ng mga bayan-bayan. Ang unang pagdiriwang ng Araw ni Rizal ay ginanap nuong Disyembre 30,1898, sa deklarasyon ni Aguinaldo sa ngalan ng Rebolusyonaryong Gobyerno ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan.


Sa paggunita sa kamatayan, ayon sa mga naka-witness, ay ipinagdiriwang na araw ng pagdadalamhati, nag-iiyakan ang mga tao sa harap ng larawan ni Rizal. Nilalagay ng mga tao ang larawan ni Rizal sa kanilang altar. Ginagawa ito bago pa man itinakda ng Gobyernong Amerikano ang patakarang pagpapalanap kay Rizal bilang simbolo ng bayan. Ito ang pinaggalingang pananaw ni Renato Constantino sa pagkategorya niya kay Rizal bilang isang “American sponsored hero.” Kaiba raw kay Bonifacio na isang tunay na rebolusyonaryo at mapanghimagsik, si Rizal na isang repormista, tagapagtaguyod ng payapang-pagbabago (pacifist) at nasyonalismong naayon sa batas, ay angkop na angkop sa layuning pananakop at pagkokolonya ng kaisipan ng mga tao.


Ang talinghaga at kabalintunaan (paradox) sa kasaysayan ng kapilipinuhan nuong mga naunang dekada ng mga Amerikano sa bansa, sa isang banda ginamit ng mga Kano si Rizal para sa interest at kapakanan ng kanilang imperyo at pananakop sa bansa, pero sa maraming Pilipino si Rizal ay nagsisilbing sulo at patnubay ng kanilang diwang makabayan at ang patuloy nilang pagkilos laban sa bagong mananakop. Maging ang mga Pilipino nakipagsapalaran magtrabaho sa Amerika ay dala-dala ang diwa ng kamatayan ni Rizal. Narito ang isang account ng nasaliksik ng isang Asyanong historyador:


The most important celebration of Filipino plantation laborers was Rizal Day – December 30, the day the Spanish executed the famous revolutionary leader Jose Rizal in 1896. To honor Rizal, Filipino plantation bands played mandolins and guitars at outdoor concerts. As the Filipino plantation laborers remembered Rizal, they told one another tales of his heroic deeds. “The Kastilas could not kill him, because the bullets bounced off his chest,” a worker would declare. And a compatriot would “tell it up one notch” and quickly add: “He caught them (the bullets) with his bare hands!” Filipinos repeatedly told the story about how the revolutionary leader actually did not die: “After he was buried, his wife poured his love potion on his freshly filled grave, and in the night – he rose, Apo Rizal rose from the grave.” (Prof. Ronald Takaki, “Strangers from a Different Shore: A History of Asian Americans”,1989, pahina 165).


Nagpapatunay na tama ang pananaw ni Ka Andres Bonifacio na ang buhay at kamatayan ni Rizal ay isang alab sa damdaming makabayan ng mga anak bayan. Gayun pa man, ang kalayaan ng Inang Bayan ay inagaw ng mga Pilipinong elit, nuong malakas pa ang rebolusyon, at nakipagsabwatan sa mga Amerikano sa pagpapalaganap ng institusyong sibil ng bansa o nasyon. Ito ang tradisyong pinagmulan at pinagyabong ng tinatawag natin sa ating panahon na trapo o traditional politics. Bagamat pinapahayag ng mga pulitiko na sila ay nasyonalista at naglilingkod sa bayan, taliwas ito sa ginagawa at nauuna ang pansariling interes at kapakanan sa pagluklok nila sa poder.


Kung si Ninoy ay nagwikang “The Filipinos is worth dying for”, sa pagkamatay ni Tita Cory naman, tulad ng naipakita sa malawakang pakikiramay at pakikidalamhati ng milyuong-milyong Pilipino, na higit lalong matimbang ang mensaheng “The Filipinos is worth living for.”


Sa darating na araw at taon higit natin mauunawaan ang talinghaga, ang masalimuot at ang kaliwanagan ng kapilipinuhan. Kung ang maalala ng taumbayan kay Rizal at Ninoy ay ang kanilang kamatayan, ang pagpaslang na kawalang-laban sa kamay ng kaaway, ang paggunita sa pagdadalamhati ay magsisilbing mga tusok sa puso at apoy na mag-aalab ng diwang makabayan.


Habang ang paggunita kina Ka Andres at kay Tita Cory ay ang kanilang buhay bilang huwaran sa tunay at wagas na pagmamahal sa Inang-Bayan at paglilingkod sa mga anak-bayan; kay Bonifacio sa masigasig niyang pagtatag ng Katipunan na may pamantayang kagalang-galang at kataas-taasang patnubay sa buhay ng mga anak-bayan, habang si Tita Cory naman ang tunay na pagmamahal at malasakit ng isang inang sa paglingap sa mga anak at kapwa-tao, lakas at tibay ng loob, pananampalataya at pananalig sa Poong Maykapal, malinis na budhi at konsiyensiya, at ang mabuting pagkataong Pilipino.


Mahigit sa isang dantaon ang pagitan ng panahon nina Rizal at Bonifacio kina Ninoy at Cory, sa aking palagay, mahalagang sariwain muli ang mga pangyayari sa kasaysayan ng Kapilipinuhan hindi lamang para lubusang mauunawaan kundi basahin ang mga talinghaga, masalimuot, kadiliman at kaliwanagan, upang magbigay ng daan sa sama-samang pagtugon sa mga hamon ng ating panahon para sa kaganapan at pagsapit sa pangarap ng ating mga ninuno, bayani at mga anak-bayan para sa Inang Bayan at sambayanang Pilipino.


Nagbubukang-liwayway na sa ating tinubuang lupa. Magsihanda na tayo sa pagkilos at pagsalubong sa Kaliwanagan nagmumula sa Silangan. Mabuhay ang kapilipinuhan!

bottom of page