top of page

Huwag muna, ‘Noy

Sep 3, 2009

Sa iyong pagmumuni-muni,
Sana mabigyan ka ng patnubay ng Poong Maykapal.
Sana huwag mong itanong
“to be or not to be the next president” ng Inang Bayan,
Dahil ang choices mo ay dadalawa lamang,
Higit na marami pa ang nangangailangan ng katugunan.


Dapat mo ring tandaan,
Hindi ikaw lamang ang makakatugon sa mga hikbi ng bayan.
Sadyang “hindi ka nag-iisa,”
Kaya’t huwag mong sarilinin ang pakikibaka
Ang halalan ay iisa lamang
Marami pang mga pamamaraang kasama ang taumbayan.


Hindi pamantayan ang boto,
Sa halala’y maraming peke at pakitang-tao,
Bagamat halalan ang puno’t dulo
Ng kabayanihan ng inyong pamilyang Aquino,
Liwanag kontra dilim ang ang kaibuturan nito,
Sa rehimeng ganid at makasarili, sila ang alab at sulo.


Sa iyong pagmumuni-muni
Sikapin mong huwag paggapi sa simboyo ng inaapi,
Sa mga nagsasabing na ikaw lamang ang natatangi
Ang makakabuklod sa oposisyong tagpi-tagpi,
Sa panandalian at sa ningning mo ngayon ikaw ay may silbi,
Sa pangmatagalan, sa palagay mo ba ito ay sadyang makakabuti?


Ito ang mga tanong ko sa iyo,
Kung si Arroyo di tatakbo, kung si Bongbong di tatakbo
Titingkad ba ang sulong hawak-hawak mo na pinamana sa iyo?
Kung lahat kayong kandidato ay sumisigaw ng pagbabago
Sinusumpa ang katiwalian ni Arroyo, di ba tabla-manalo, walang talo?
Bakit ka pa kakandidato – Aquino-Roxas o Roxas-Aquino?


Noy, ang malaking katanungan ay ito,
Isipin mong mabuti kung sakaling ikaw ay maging pangulo,
Magagawa mo ba ang mga hindi nagawa ng magulang mo,
Mababawi ang mga ninakaw sa kaban ng bayan ng mga pulitiko,
Maigagawad ng katarungan ang mga nilapastanganan at maparusahan ang mga nag-abuso,
Maitutuwid mo ba ang katiwalian, mapupuksa mo ba ang kanser ng pamamahalang-bayan?


Hindi mo magagawa, Noy.
Hindi mo magagawa kung wala kang malawakang kilusang ng mga anak-bayan,
Hindi mo magagawa, Noy kung wala kang suporta sa lahat ng hanay ng lipunan,
Hindi mo magagawa Noy kung hindi tagos ang paninindigang kapilipinuhan,
Hindi mo magagawa Noy kung hindi ka buo at pinagbibigyan mo lamang
Ang mga taong naghahangad ng inyong ningning at magandang pangalan.


Huwag na muna, Noy.
Labis pa sa ningning ang hangad ng taumbayan,
Ang mamayani ang walang-patlang liwanag sa kadiliman,
Hindi lamang sa pamahalaang-bayan kundi sa lahat ng larangan,
Ang panawagan ay ITULOY ANG LABAN, LAKAS NG BAYAN
Ang diwa’t patnubay nina Bonifacio, Jacinto, Rizal, Ninoy at Cory sa Inang bayan.


Kasama mo kami, Noy
Buong sigasig nating ituloy ang laban ng Pinoy.

bottom of page