MC CAN LAST
Jun 3, 2009
Mula kay G. Antonio Contreras: Pagbati, Bathala. Ano ang masasabi mo sa kasalukuyang diskurso ni Aurelio Acgaoili, na inilahad niya sa blog nya, tungkol sa di-umano ay tiranya ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang wika kagaya ng Ilokano. Papaano natin haharapin ang pagkakaroon ng iisang kabansaan sa mukha ng patuloy na pag-kwestyon sa wikang pambansa, at sa katotohanang maraming anyo ang katutubong Pilipino, dahil tayo nga ay maraming etnisidad.
Mula kay G. Benru Martinez: Magandang tanong na mahirap sagutin. Relasyong kapangyarihan (Power relation) pa rin ang bottom line sa ugnayan ng iba’t ibang grupo ethniko. Hindi lang pampulitika mas matindi rin ang impluwensya ng kalakalan. Isa sa mga naalala ko na tinalakay ang paksang ito ay si Chomsky. Nandito ako sa Davao ngayon at karamihan ng tao dito ay nakakaintindi rin ng Tagalog. Bagama’t kinakausap nila ako sa bisaya na naiintindihan ko rin kahit paano. Samok talaga ang paksang ito at naglibog kaayo.
Mula kay G. Zeus Salazar (ZAS): Sa kapwa ko oragon:
Naging estudyante ko si Dr. Agcaoili sa programang gradwado ng Pilipinolohiya. May AB at MA siya sa Pilosopiya. Dalawang beses ko siyang naging estudyante at naging kritik pa nga ako ng kanyang disertasyon na isang pagsasalin ng kanyang isinulat na nobela sa Iloko na isinalin niya sa Pilipino, kasama ng isang “etnograpiya” ng mismong paggawas ng nobela. Pagkatapos nito nagturo siya sa U.P. at sa Ateneo ng P/filipino at mga literaturang Pilino, bago niya lisan ang Pilipinas patungong Estados Unidos kung saan nakapasok sa isang unibersidad upang magturo ng Ilokano, sa pagkabalita sa akin.
Sa aking pagkakilala kay Dr. Agcaoili, hindi ko masasabi na siya ay laban sa paglaganap ng P/filipino. Matalas at malalim ang kanyang pagkagagap ng P/filipino at pati na ng Tagalog, kaugnay ng ating “problemang pangwika at etniko”. Napapadako pa rin siya sa kanyang lupang tinubuan, ngunit sa kasamaang palad hindi pa niya ako nabibisita, ni si Dr. Covar na siyang naging tagapayo niya. Sana magkita muli kami, kasama ni Dr. Covar at nang sa gayon ay maging mas malinaw ang aking kasalukyang pagkaunawa sa kanyang mga ideya kaugnay ng kanyang kalagayan sa Estados Unidos.
Tungkol sa kanyang mga ideya, sa palagay ko, ang mga ito ay nakapaloob sa laganap na talastasan hinggil sa “ethnicity” at sa “democracy” sa kanyang bagong nasyon ng Amerika. Kapwa ang etnisidad at demokrasya, mangyari pa, ay tinatalakay ng lahat sa wika ng akademya roon — i.e., ang Ingles na gagap na gagap ni Dr. Agcaoili bago siya programang gradwado ng Dalubhasaan ng Agham Panlipunan at Pilosopiya noon. Dulot ang pagdaan niya sa Pilosopiya ang kanyang pagiging tatas sa wikang Ingles. [Tulad alam natin, sa pangkalahatan ay napipilay pa hanggang ngayon ang Pilosopiya sa pagsasaPfilipino nito. Ang kilala kong nagsagawa nito ay si Padre Ferriols ng Ateneo, isang Iloko rin katulad ni Dr. Agcaoili — at, sa katunayan, ni Dr. Ernesto Constantino na siyang isa sa mga nagtatanggol sa pagpapalaganap ng “Filipino”. Marami ang naging estudyante ni Prop. Dr. Ferriols na nagpapatuloy sa kanyang adhikain. Isa na rito ay si Paring Bert, na kilala mo, kapwa oragon. Tulad ng alam mo siguro, sa palagay ko, nagkakaroon ngproblema rin si Dr. Alejo sa paggamit ng P/filipino dulot ng pagkapasok niya sa mundo ng mga NGO at sa international circuit ng mga seminar at kumperensya. [Hindi ko sinasabing may pagkakahawig ang “kaso” ni Dr. Alejo sa “kaso” ni Dr. Agcaoili, bagamat kapwa sila di Tagalog na naging matatas sa wikang ito, si Paring Bert ay naging makata pa nga sa Tagalog, tulad ng naging magaling na manunulat si Dr. Agcaoili sa Iloko; ngunit kapwa ay nagdaan sa Simbahan (naging seminarista itong huli samantalang naging pari si Dr. Agcaoili at kapwa sila ay nagdaan sa Pilosopiya, mangyari pa.] May dalumat kami sa Pantayong Pananaw na maaaring — maaari lamang — magdulot ng kaunting liwanag sa dalawang kaso. Ang dalumat ay POOK sa lahat ng pakahulugan nito tulad ng pagkapook, pagkakapook, pagpopook ng sarili. May mga tao, palaisip man o hindi (lalo na siguro kung palaisip na naparaan sa Kanluran o nahilig dito sa isa sa mga anyo nito), na nahihirapan ipook ang sarili laluna kung walang katiyakan ang kanyang pagkapook, sa ideolohiya man o sa emosyonal na kalagayan, gayundin sa simpleng pagkalagay sa heograpiya (i.e., naroroon na sa ibang lugar o palipat-lipat ng lugar dulot ng mga “engagements” na sa kahuli-hulihan ay nakapook sa Kanluran). Ibig sabihin, kung mayroon mang etnograpiya ng pagpopook ng nag-iisip na tao, ang mga kaso ng dalawa ay maaaring isama sa pananaliksik. Nararapat din sigurong tignan kung may kinalaman sila sa natawag kong HANGGANAN NG PANININDIGAN sa aking pakikpagtalastasan kay Padre Arcilla at sa editor ng Philippine Studies na kapwa may kaugnayan sa Ateneo. Kaugnay ng HANGGANAN NG PANININDIGAN nabanggit ko rin ang “pakikipagpatintero” sa Kanluran ng mga intelektuwal na Pinoy na nakararamdam na sa pangangailangan ng talastasang siyentipikong Pilipino (laluna iyung nakagagap na ng Pantayong Pananaw at kahit na, dati, ng Sikolohiyang Pilipino at ng Pilipinolohiya) tungo sa pagkabansa ng kapilipinuhan. Alam mo siguro naman kung papaano nilalaro ang patintero o “tubigan”. Kung malalampasan mo ang lahat ng maaaring “tumaga” sa iyo at makabalik ka sa iyong pinanggalingan [sa kaisipang PP ang iyong maaaring tunay na Pook] ok ito para sa iyong koponan. Sa larong “internasyonal” laban sa Kanluran, maaaring tingnan ang patintero bilang laro kapwa ng mga indibidwal na nakikipagtagisan sa kanyang sariling kalooban at sa mga panlabas na puwersang umaakit (maaaring “tumaga”) sa kanya AT GAYUNDIN ng buong kapilipinuhan tungo sa isang nagsasariling diskursong pangkabihasnan. Maraming indibidwal na istratehiya at taktika na ginagamit ng mga naaakit ng mga goodies ng Kanluran. Si Dr. Arcilla sa palagay ko ay lubusan nang nataga at nag-eenjoy naman sa kanyang kalagayan bilang isang “hispanikong Katutubo”. Si Dr. Gealogo naman, sa palagay ko, ay matatag pa ang kalooban bilang Pilipino at hindi pa naman natataga; at isa kanyang istratehiya ng pag-iwas sa taga ay imbitahan akong mag-ambag sa parangal kay Dr. Schumacher, na halos nataga patungo sa Kapilipinuhan ngunit, salamat sa Diyos at pagkahesuita, ay nanatili pang Kanluranin sa diwa. Hulaan ninyo ang mga taktika at istratehiya na ginagamit nina Paring Bert at Dr. Agcaoili.
Bigyan nating mas malalim na analisis ang dalawang “causes” na ipinaglalaban nitong huli. Kapwa ang “ethnicity” at “democracy” ay kasalukuyang “papyular” sa Amerika, hindi lamang sa pulitika kundi laluna siguro sa akademya, kung saan ang mga dating akademiko sa Pilipinas ay nagnanasang makapasok.
Ang “cause” higit sa lahat na makatutulong sa pagiging komportable sa akademyang Amerikano ay ang “ethnicity” bukod sa mas malawak na dakilang hangarin ng “democracy” (maaalala siguro na gustong i-export ito ni Bush sa buong Kanlurang Asya at matagal nang tinangka ng Amerika na ituro ito sa mga Pinoy, kung kayat nakaalyado nito ang mga elit na Pinoy mula sa Propaganda).
Sa medyo malabong blog ni Dr. Agcaoili pinagsama niya ang etnisidad at demokrasya. Medyo may kaunting pagkindat dito sa ethnicity ng kanyang naangking bayan/nasyon ng Amerika ang pangyayaring siya ay Ilokano, laluna’t ang kanyang “democracy” ay di gaanong kaliwete at nakapaloob pa sa istratehiya ng “globalisasyon” ng kasalukuyang kapitalismong internasyonal na paghati-hatiin ang mga bansa at mga bayang nag-aadhikang maging isang malayang bansa.
Sa kabutihang palad, hindi naman sukdulan ang pagiging maka-ilokano o anti-P/filipino ni Dr. Agcaoili. Sa palagay ko, naniniwala siyang dapat at nararapat maging wikang pambansa ang Tagalog/P/filipino, usaping nagulo/ginulo nina Dr. Constantino noong panahong nag-aaral pa si Dr. Agcaoili.
Tama naman na dapat at nararapat bigyan ng puwang ang Ilokano (sa kaisipan ni Dr. Constantino, sa katunayan, ito na ang lingua franca ng Hilaga, tulad ng lingua franca na ang Sebwano sa Timog) at ang iba pang mga wika sa Pilipinas. Ito ay mabuti sa P/filipino laluna kung ang mga nagsasalita ng mga ito ay malay na gumagamit ng wikang pambansa upang mapagyaman ito ng mga kataga mula sa kani-kanilang mga wika — at bise-bersa. Sa huli, sa palagay ko, magkakatagpo ang lahat sa isang napayamang P/filipino ng Kapilipinuhan.
Ang madalas mabasa ko sa mga supernasyonalistang rehiyonal [na kadalasan ay mga Fil-am na katutuklas pa lamang ng kanilang “ethnicity” o mga Pinoy dito at sa ibayong dagat na nakipagpatintero sa Amerika, tulad ng nabanggit sa itaas] ay natatabunan di umano ang kani-kanilang wika ng lumalaganap na “Tagalog” (i.e., P/filipino). Pati raw sa mga McDo at Jollibee, P/filipino na ang ginagamit. Ngunit ang mga umaangal at umaangal sa pinakamarami sa wikang Ingles na kinasanayan nila sa Amerika. Pati na ang ugali ng ilang blogger ay ni na magalang, katunayan sobrang agresibo. Kung gumagamit naman sila sa kanilang mga sayt ng kani-kanilang wika di naman maingat (para mapaunlad ang mga ito) at halos walang nagbabasa, liban sa Iloko at Sebwano.
Ang ibig sabihin ng lahat ng ito ay umuunlad ang P/filipino. Alam natin itong lahat. Ang tanging kalaban talaga nito para sa diwa ng Kapilipinuhan ay ang Ingles. Kaya siguro ang dapat at nararapat ay gamitin ito ng lahat at bigyan talaga g puwang ang Iloko at Sebwano, pati na ang iba pang mga wikang Pilipino. Patakaran na ito ng Departament ng Filipino at mga wikang Pilipino ng U.P. Naging kasapi si Dr. Agcaoili nito, bago siya magpasiyang lumipat sa Miriam at tuluyan nang lumikas sa Estados Unidos. Gayumpaman, dahil sa Ingles ang kanyang mga blog ngayon, wala naman gaanong epekto ang mga ito dito sa Pinas.
Tungkol sa “maraming etnisidad” ni Dr. Contreras at ang kaugnayan nito sa pulitika sa pagtingin ni G. Benru Z. Martinez, sang-ayon ako dito sa huli tungkol sa pagiging pulitikal at “malibog” (masalimuot, malabo) nito. Gayumpaman, dapat ding salungguhitan na, liban sa mga naiwan dito sa atin na mga wikang “malibog” (sa pakahulugan nitong “nagkahalu-halo” o mestiso/kalibugan), lahat ng mga wikang Pilipino ay nanggaling sa iisang batis, ang Kanlurang Austronesyano at hanggang ngayon ay may common vocabulary pa ang lahat. Kung may pagkakaiba man, hindi naman kalayuan at iba ang kanilang pagkakaiba-iba sa halos na ganap na pagkakaiba ng lahat ng mga wikang Pilipino sa Ingles, halimbawa o sa Tsino o sa Arabo. Tulad ng nabanggit ni G. Martinez na “libog” di naman lubos na magkakaiba ang LIBOG ng Tagalog sa “libog” sa ibang lugar, dahil lahat ay maaaring papanggalingin sa iisang libog na ang ibig sabihin ay nagkahalu-halo at nagulo tulad ng tubig, kung kaya’t naging malabo dahil halimbawa sa nakahalong putik. Ang orihinal na kataga na tumutukoy sa libog na Tagalog ay ang laganap sa buong Pilipinas na “ulog”/”ulag” (tahanang panligawan) sa Kordilyera), “urag” (malakas ang seksuwalidad, intelehente) ng Bikol, at “urag”, “ulag” at “uwag” sa Kabisayaan na malakas ang pagtukoy sa seksuwalida, laluna ang kalandian ng babae.
Kung babalikan ang pulitika, totoo na noong araw malakas ang papel ng etnisidad sa rehiyonalismo sa botohan. Laganap ang opinyon na mayroon noon ng “solid north” o “Ilokano vote”. Ngunit tila nawala na ito. Iyong natawag na “Bikol block” ay matagal nang nataguriang “hollow block”. Noong labanan nina Marcos at Osmena, hindi naman umobra ang boto ng Kabisayaan, laluna sa Maynila. Ang natawag na Muslim vote ay dulot lamang ng sabwatan (na may halong pandaraya) ng mga Kristiyanong mayhawak sa kapangyarihan sa Maynila at mga elit na Muslim sa Mindanaw. Bukod dito, hindi iyun nasasalalay sa isang etnolingguwistikong kabuuan.
Bukod sa lahat ng iyan, IBA ang pulitika ng ethnicity sa Amerika. Una, batay ito sa mga natangay na Aprikano (na kahalo ang rasismo) at napadpad na mga Latino (dulot ng imperyalismong Amerikano) na talagang iba ang wika at kultura sa WASP at gayundin ang mga Europeo (na madaling naakultura sa Amerika at naging “puti”) at Asya (na dulot ng migrasyon, kadalasan nitong di pa nalalayong nakaraan, mula sa iba’t ibang wika at kultura, liban sa mga Pinoy na karamihan ay Amerikanisado na nang nangibayong dagat). Sa atin, liban sa mga Tsino (na madaling naging Pilipino) at mga natira ng imperyalismo, nanggaling ang lahat sa iisang lahi at wika-at-kalinangan.
Tungkol pala sa di-umano’y “tiraniya ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang wika tulad ng Ilokano” hindi naman puwedeng maging tirano ang isang wika. Imposible dahil hindi tao ang wika. Lumalaganap ito o hindi, nabubuhay ito o namamatay nang walang ginagawang panggugulo o pang-aapi sa ibang wika. Sa katunayan, kung maaaring “tirano” o “tiraniko” ang wika, ang “tirano” ay ang Ingles — o, mas angkop, ang mga tumatangkilik nito. Wala naman talagang tumatangkilik ng Filipino (o Pilipino o Tagalog) kundi ang mga nagsasalita nito — i.e., ang Bayan o, para sa mga Kaliwete, “ang masa”. Ang talagang tumatangkilik sa Ingles ay ang elit at elitistang Inglesero bilang produkto ng pagtutulungan ng mga Ilustradong nangangastila (kasama na rito ang Tagalog na si Mabini) at mga Amerikano. Isang resulta ng sabwatang ito ay ang mga katulad ni Dr. Agcaoili na umaatake sa Filipino gamit ang kanyang wika (Ilokano) at etnisidad (Iloko) sa pamamagitan ng Ingles na natutunan niya sa sistemang pang-edukasyon sa wikang Ingles at sa loob ng sistemang pang-estado (at pang-ekonomiya) na tumatangkilik sa wikang ito. Hindi ko alam kung bakit napunta si Dr. Agcaoili sa Estados Unidos, gayong hindi naman siya naghihirap dito (naging tagapangulo pa nga siya ng Departamento ng Filipino ng Miriam College na di naman kababaan ang pasuweldo. Siyempre, hindi iyan ang punto. Ang punto ay naroroon siya sa Estados Unidos at mula roon niya inaatake ang Filipino nang wala namang ginagawang masama ito sa kanya. Kung umuunlad man ito ay hindi dahil sa pinapaboran ito ninuman. Gusto pa ngang ipasok muli ni Gloria ang Espanyol, kaalinsabay ng pagtangkilik sa Ingles [sa mga opisina ng Gobyerno ang wika raw na dapat gamitin ay Ingles: sa isang opisina nakasulat sa iba’t ibang dako: “We transact business only in English” ngunit sa kabutihang palad lahat ay nagsasalitang Tagalog. Kung baga, tulad noong panahong Kastila, “obedezco, pero no cumplo”. Papaano ngayon masasabing tirano o tiranikal ang Filipino (o Pilipino o Tagalog) gayong ito (o ang mga Pilipinong ang tanging gagap sa larangang pang-estado at panlipunan sa buong arkipelago ay ang wikang ito) ang siya ngang inaapi dahil ang buong estado (ehekutibo, lehislatura, hudikatura, burokrasya, sistemang pang-ekonomiya at pang-eukasyon) ay sa wika ng mga Ingleserong elit at elitista. Ibig sabihin, sa kabila ng lahat ng panggigipit at pang-aapi, umuunlad pa rin ang Filipino. At ngayon heto na ang opensiba mulang Amerika na sumusundot sa nagtatagumpay na wikang pambasa sa pamamagitan ng mga isyung Amerikano ng “ethnicity” (gayong hindi naman mga Tagalog ang sumusulong sa Filipino; wika lamang ito na naiintindihan ng halos lahat ng Pilipino) at “democracy” (gayong ipinangangalandakan ng elit at elitista na demokrasya na tayo, dahilan siguro kung bakit ang inaatake ay ang tiraniya ng Filipino at hindi ng Ingles na baka ang akala ni Dr. Agcaoili ay siyang wikang nakakabit sa “democracy” kung kayat hindi dapat kabakahin, laluna kung nakatira at naghahanap-buhay ang isa doon mismo sa sentro ng Imperyo (“Empire” sa wika ng mga kumakabaka sa imperyalismo at globalisasyon sa mismong pinanggalingan nitong dalawa).
Mabuti na lamang at ang wikang Filipino lang ang kinakabaka ni Dr. Agcaoili at ng iba pang Pinoy o dating Pinoy na nakaluklok sa piling ng lupain ng mga magigiting. Ang iba ay mas etniko at personal kung umatake. Tulad halimbawa ni Jojo Abinales, ito naman mula sa kanyang luklukan sa Hapon (tingnan ang aking sagot sa kanya sa isa sa aking mga tala rito sa facebook). Nagpapakita lamang ang lahat ng ito na hindi lamang umuunlad ang Filipino (Pilipino o Tagalog) kundi nabubuo na ang bansa ng Kapilipinuhan. zas