top of page

Tita Cory at ang Inang Bayan

Aug 3, 2009

Sanlaksang mahigit na at sa bawat araw ay dumarami pa ang nagpapaabot ng kanilang pasasalamat at marubdob na pakikidalamhati sa pagsasakabilang-buhay sa isang Pilipina na binansagang Tita Cory ng buong bayan.


Ilang libong Pilipino ang napapaluha ng unang mabatid nila ang balitang pumanaw na si Tita Cory. Ilang daang Pilipino ang napapaluha ng masaksihan ang libu-libong taumbayang, nagmumula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan, pumipila sa kanyang burol at matiyagang naghahabang sa mga kalsadang daanan ng truck na lulan ang kanyang ataul. At ito ay nagaganap sa Kamaynilaan pa lamang.


Ilang milyon rin ang nakikiisa at nakikiramay sa mga tao sa labas ng Maynila, sa mga liblib na pook ng Luzon, Visayas, Mindanao at mga pulo sa Sulu at Palawan. Sa bukid at bundok, sa pagawaan at parang, sa simbahan at eskwela, palengke at plaza, maging saan man sila sa kapuluan, mga Kristiyano, Moro, katutubo, Tsinoy at maging mga banyaga, ay nababahiran ng dilawang kulay ng amihan kahit na nasa ilalim ng mainit na araw o nagbubugsong patak ng ulan, sa klimang hindi natin sukat maintindihan.


Gayundin sa maraming Pilipino sa labas ng bansa, sa iba’t ibang time zones, sa iba’t ibang klima at kultura, maaring intergenerational, multicultural at multilingual, sa kabila ng lahat, napapalapit sila nagaganap sa Inang Bayan, ang katawagan ng lupang tinubuan nila o ng kanilang magulang, lolo at lola at mga ninuno. Gaano man kalayo ng agwat, napapalapit ang kanilang diwa, puso’t damdamin dulot ng isang kaganapan – ang pagyao ni Tita Cory, ang taong tumayong simbolo ng panunumbalik ng kalayaan at ng demokrasya sa Inang Bayan. Simbolo siya nuon, sa ating panahion sa kasalukuyan, sa darating pang araw, taon at hinaharap, at maging sa susunod na henerasyon


Totoo, walang pasubali, malaki ang papel ng new media at teknolohiya – ang internet, television, radio, livestreaming, facebook, news network, cable news, twitter – ang dating watak-watak, magkakalayo, di-man-magkakakilala, at maging makakatunggali at may di-pagkakaunawaan ay napapalapit hindi man sa isa’t isa o kani-kaniyang pakikipag-ugnayang at interfaces sa kapwa kundi sa kaibuturan ng sarili, ang kalooban at pagkataong Pilipino.


Sa ganitong pagkakataon at takdang kalagayan ginigising tayo ng ating unawa, may sumisilakbo sa ating puso’t damdamin, may bumabaga sa ating kalooban, nag-uudyok sa diwang makabayan, at may natatamasang kadalisayan sa pag-ibig sa tinubuang lupa.

Bakit kaagad sumagi sa isip ni Jim Paredes ang “Kay sarap palang maging Pilipino” sa kantang “Handog ng Pilipino sa Mundo” na nilikha niya sa dalawang minuto sa panahon ng EDSA 1986? Bakit mismong si Cory ay nagwikang “Ako’y nagpapasalamat sa Panginoong Diyos na ginawa niya akong isang Pilipino”? Saan naman nanggagaling winika ni Ninoy Aquino “The Filipino is worth dying for”?  Ito ba ay tanda ng realisasyon o discernment, isang pagkaunawa o pagkatanto pagkatapos ng kakaibang?


May pagkakaiba ba ang mga winika nina Jim, Tita Cory at Ninoy sa sinulat na tula ni Ka Andres Bonifacio “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya / sa pagkadalisay at magkadakila / Gaya ng pag-ibig sa sariling lupa?/ Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala… Walang mahalagang hindi inihandog / Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop, / dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod, / Buhay ma’y abuting magkalagut-lagot…”


Kaiba sa libing ni Ninoy at Cory, libu-libo ang nakidalamhati at naghatid sa kanilang huling hantungan. Kay Ka Andres Bonifacio, wala man nakabalita sa kanyang pagpaslang, hindi man malaman kung saang bundok at hukay iniwan ang kanyang katawang lupa. Maging ang kanyang malapit na kaibigan tulad ni Emilio Jacinto at mahal sa buhay ay hindi nagawang lumuha sa harap ng kanyang ulilang bangkay.  Ang alaala natin kay Ka Andres ang kanyang gulok at diwa ng Katipunan, pero walang luhang kaugnay sa kanyang kamatayan.


Kaiba sa lahat si Ka Andres, lubos ang pagkaunawa sa kanyang kapilipuhan at higit laluna ang kabatiran niya hinggil sa Inang Bayan, sa tinubuang-bayan, at sa mga anak ng bayan, mga kapwa Pilipino. At para kay ka Andres, ang kalagayan at hinaharap ng Inang Bayan na nakapaloob sa tunggalian ng “dilim at liwanag,” at batid rin niya na ang lupang nabahiran ng dugo at luha ng anak ng bayan, ay nagsisilbing sulong magaalab ng puso’t-damdamin para makamit ang inaasam-asam na kalayaan ng Inang Bayan.


Hindi batid ng karamihang Pilipino na ang pagtingin ni Ka Andres kay Jose P. Rizal ay katulad ng pagtingin nang maraming nakikibaka sa diktadura kay Cory, ang katangi-tanging tao sa takdang kalagayan ng kasaysayang Pilipino na magbubuklod sa mga anak bayan para sa Inang Bayan. Hanggang sa huling sandali pinakikiramdaman at gumagawa ng hakbang sa maaring kalagayan ni Dr. Jose Rizal. Pagkapaslang sa Bagumbayan ni Rizal, sa kabila ng luha, lungkot at lumbay, nanaig ang alab sa kanyang puso at talas ng kanyang pag-unawa sa pinaglalaban, isinalin kaagad-agad sa Pilipino ang “Mi Ultimo Adios” ni Rizal at sinikap niyang maikalat ito sa mga anak ng bayan. Magmula nuon si Rizal ang ginawang password o tanda ng pakikipag-isa at kapanalig sa kilusang pagpapalaya ng Inang Bayan.


Sa pakikidalamhati ng mga tao sa libing ni Cory, kapansin-pansin pamamayani ng kulay dilaw – sa kanyang damit pamburol, sa mga bulaklak, sa damit at kasuotan ng mga nakikiramay, sa mga ribbon nakasabit sa poste at nakadikit sa kasuotan, sa mga confetti at banners, at marami pang iba. Alam ng marami na ang dilaw ay unang ginamit bilang tanda ng pagsalubong sa pagbabalik ni Ninoy mula sa Amerika. Ang inspirasyon ay mula sa kantang ni Tony Orlando and the Dawn hinggil sa isang nakalaya sa piitan, “If you still want me / Whoa, tie a yellow ribbon ’round the old oak tree.” At ang dilaw ang siyang naging simbolo ng kilusan magmula sa kampanyang Justice for Aquino Justice for All (Jaja) hanggang sa EDSA 1986.


Gayun pa man, pagpapanatili sa paggamit ni Cory sa kulay dilaw at sa pagsasabuhay niya  sa diwa ng EDSA at higit lalu na sa kartilya ng Katipunan  ayon sa sulatin ni Emilio Jacinto:


#1  Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy(puno) na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.

# 3 Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuwiran.

#6 Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

# 8 Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.

#14 Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi’t magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang matutumbasan.

Hindi kaya ang simbolo ng dilaw ay ang katumbas ng Liwanag nina Ka Andres at Emilio Jacinto. Bagamat nakamit natin ang demokrasya’t kalayaan may lambong sa ating lipunang at namamayani pa ring kadiliman. Hindi kaya kahit sa kanyang huling sandali ninanais ni Cory na tangkilikin natin ang LIWANAG at huwag pabayaang mamamayani ang DILIM (graft and corruption, katiwalian, makasariling kagahaman) para ikabubuti ng Inang Bayan sampu ng mga anak bayan?


Ayon kay Ka Amado V Hernandez; “Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha, Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa… May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo/ May araw ding di na luha sa mata mong namumugto/ Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo.”


Marahil ang mga luha sa pagyao ni Tita Cory ay mga mumunting tilamsik ng ating damdamin at pananaw, nagpapaalala na minsan nating natanaw at natamong kaliwanagan (EDSA 1986), kahit maikling panahon lang, nanaig pa rin ang kadiliman, nasa bawat-isa marahil ang kapabayaan kaya’t sa buhay niyang ginugol sa pakikipaglaban kontra katiwalian at “kadiliman,” ang lakas ng bayan ay nasa sama-samang pagkilos ng mga anak ng bayan.


Maraming salamat Tita Cory, kayo po ang nagpadama sa magmamahal ng isang ina sa Inang Bayan. Hindi po kayo nag-iisa. Itutuloy po namin ang laban para sa Inang Bayan at ng mga anak bayan.

bottom of page