top of page

Tugon sa CON-ASS: Huwag paglaruan ang saligang-batas kasi…

Jun 3, 2009

Nuong bata pa kami madalas pinapaalalanan kami ng matatanda na huwag na huwag paglalaruan ang pagkain; kasi daw kapag ginawa namin iyon magagalit ang mga nagdudulot sa amin ng makakain sa araw-araw.


Nuong una akala ko panakot lamang iyon, isang pamamaraang pagdidisiplina sa mga batang katulad ko, pero ng tinanong ko kung bakit madalas may natitirang kanin sa kaldero at ulam sa plato sa hapag-kainan kahit natapos na kaming kumain, ang tugon nila ay hindi ko lubusang maunawaan nuong bata pa ako. Isa itong talinghaga.


Mayroon daw kaming kasalo sa hapag kainan na hindi namin nakikita. Kapag may natitirang pagkain sa hapag-kainan at kaldero pagkakain, tanda ito ng pag-alala sa “kanila.” Kadalasan magagalak ang naghanda ng hapunan dahil alam niya kung may tirang pagkain, ibig sabihin nabusog ang lahat ng kumain at mayroon pa sa mga darating pang “bisita.” Sino ang “kanila” at “bisita”? Sila, ang paliwanag ng mga matatanda, ay mga ninuno namin, mga taong nasa kabilang-buhay na, madalas daw ay nagpaparamdan at gumagabay sila sa kanilang mga mahal sa buhay na buhay pa.

Nahihirapan akong ituro ang kinalakihan kong tradisyon sa hapag-kainan sa aking mga anak. Higit nilang nauunawaan ang pagdaral o pagsabi ng “grace” at pasasalamat bago kumain sa may hapag-kainan. Ang kahirapan ko sa pagtuturo sa aking anak ay walang pinagkaiba sa pagtuturo sa ating kababayan kaugnay sa nagaganap sa gobyerno at sa kapapasang “con-ass” (constituent assembly) sa kongreso.


Parang bata ang mga kongresista sa atin. Kung gagamitin ko ang atubilin ng mga matatanda, “Huwag na huwag paglaruan ang saligang-batas, kasi ang batas na nagluklok sa mga kongresista ay lubusang mawawala.” Papaano mangyayari iyon?

Simple lamang turo ng mga matatanda, balikan natin ang kasaysayan. Hindi ba pinaglaruan din ni Pres. Marcos ang saligang-batas nuon? Sinasaad ng saligang-batas (1935) na tapos na ang kanyang term, pero gusto niyang manatili sa poder at sinuway sa pamagitan ng pagpapalit nito, con-con 1970, nang hindi rin makuha ang gusto, idineklara ang Martial Law, at “pinagtibay” ang bagong saligang-batas. Sa madaling salita, pinaglaruan niya ang saligang-batas. Ano ang nangyari kay Marcos? Napatalsik at nawala sa poder si Marcos sa labas mismo ng saligang-batas o sa paraang extra-constitutional (kudeta, people power).


Isang magandang paalala at babala ito sa mga taong pinaglalaruan ang saligang-batas. Kung nuon ang nawalan ng poder ay si Marcos, sampu ng kanyang pamilya at mga loyalistang pulitiko, at ang iba (mga balimbing at bumaliktad) naman ay nagkabalik sa poder sa pamagitan sa pagtangkilik sa bagong kaayusan at saligang-batas (1987), ang maaring maganap sa napipintong krisis dulot ng “paglalaro” ng mga mayoryang kongresista sa saligang-batas ay maaring umabot sa isang “kasukdulan” at “turning point” na hindi pa natin nararanasan sa sandaang-taon at mahigit pa sa ating kasaysayan ng pagiging bansa o nasyon ng Pilipinas.


Ano ang ibig kong sabihin sa “kasukdulan” at “turning point”?

Una, ang tradisyon natin ng saligang-batas, maging ito ay ang 1899, 1935. 1973 at 1987, ay hindi sadyang nakaugat at nagmumula sa kinagisnan kultura at kabihasnan ng mga Pilipino lalung-lalo na sa mga tradisyong ng mga anak-bayan sa buong kapuluan. Malaking salik at pinagbatayan ng saligang-batas ay ang banyaga at dayuhan. At ang pagpapatibay ng mga ito kahit nagkaroon ng referendum at pagpapasya mula sa tao ay hindi lubusang nakapaloob sa pantayong pananaw. Hindi ba bibihira nating marinig sa mga tao, “Ito ang ating batas, tayo ay kusang-loob na sumusunod sa mga alituntunin ng batas dahil tayo mismo ang gumawa at ating ring pinagtibayan.” Hindi ba nakikita natin kaliwa’t kanan at walang pakundangan ang paglabag sa batas ng mga Pilipino lalung-lalu na ang mga taong mambabatas o mga alagad ng batas? Katulad ng traffic lights, red-stop-yellow-ready-green-go, ay ginagawang mga “suggestion lamang” at hindi para sundan. Kung hindi ka nahuli ay hindi ka lumabag sa batas, ika nga.


Pangalawa, hindi lamang ang saligang-batas ay mula o halaw sa banyaga o dayuhan, ito ay hindi pinapatnubayan ng ating mga bayani ng ating lahi, mga bayaning nagbuhos ng dugo para tayo’y magbuklod-buklod at maging isang ganap na bansa. Ang saligang-batas (1899,1935,1973 at 1987) ay wala ni katiting na kaugnayan sa mga dekalogo at pamantayan ng katipunan ng mga anak-ng-bayan nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at maging kay Gat. Jose Rizal. Ang 1987, bagamat naging bunga ito ng EDSA (isang pag-aalsang bayan) at dugong ibinuwis nina Ninoy Aquino, Edgar Jopson (ang Pilipinong nanalig nuong una na sa saligang-batas matutugunan ang suliranin ng bansa) at marami pang iba, pero hindi lubusang nagawa sa diwa at paninindigan ng mga anak bayan. Ang pangkonsuwelo de bobo ay ang “party-list representation” sa kongreso at ilang makabayang probisyon. Magpaganoon pa man, ang kasalukuyang saligang-batas ay madaling “paglaruan” ng mga mambabatas (mga trapo) at ng mga nakaluklok sa poder. Sa madaling salita, ang saligang-batas ay walang kaluluwa ng ating mga bayani ng lahi at ng mga anak-bayan sa buong kapuluan.


Pangatlo, hindi ba ang paglalarawan ng taumbayan sa kalakaran ng ating kasalukuyang pulitika (mga ginagawa ng mga pulitiko) ay “kasuka-suka” at “nakakasakit sa sikmura”. Kung babalikan ko ang atubilin ng matatanda kaugnay sa paggalang sa pagkain sa hapag-kainan at huwag itong paglaruan, may dagdag pa sila, para hindi ito mapanis at makakasira ng tiyan. Sa ganang akin, sa pagbabasa ng mga nagaganap sa ating bayan, napapanis na ang pagogobyerno batay saligang-batas hindi nakabatay sa tunay na Pilipino, pinaglalaruan pa nga pulitiko at tao sa poder, kaya’t ang nararapat lamang na maisasantabi ito (kasama ang mga may pakana sa pagkapanis ng saligang-bayan) at dinggin ang “dapat mabatid ng mga anak-bayan” at magbuo ng saligang-batas na tunay na saligan ng bayan.


Bilang konklusyon, pagkakataon at panahon ngayon ng pagpapalaganap paninindigan sa kapilipinuhan sa buong kapuluan at maging sa mga Pilipino nasa labas ng bansa. Hikayatin lumahok sa pagbubuo ng bagong saligang-batas na nakabatay sa tunay na kapilipinuhan na pinapatnubayan ng mga dugo ng ating mga bayani ng lahi at ng mga anak-ng-bayan sa buong kapuluan. Simulan natin ang pagbabalik-loob at pagbabalik-tanaw sa pamagitan ng paglulunsad ng talastasang-bayan sa lahat ng hanay at sektor ng mamamayan sa buong kapuluan.


Ang bilin ng ating mga ninuno: Huwag paglaruan ang saligang-batas kasi… malalagot kayo (tinutukoy rito ang mga trapo at pulitiko sa poder)… mabibilang na ang araw ninyo… magigising at kikilos ang taumbayan sa saligang-batas na makatao at makaPilipino.

bottom of page